Mabuhay!

Ang blog na ito ay project ng mga mag-aaral ng Sertipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino ng Polytechnic University of the Ph...

Monday, December 9, 2019

Ang Self-Publishing at Ang Paggawa ng Zine

ni Ansherina May D. Jazul


Marami ang nangangarap na maging published writer, kaya marami ring nakapila sa publishing houses. May iba roon, nakatengga na ng mahabang panahon at may iba namang na-reject na nang ilang beses. Pero sino ba ang nagtatakda kung publishable nga ba ang isang akda o hindi? Walang iba kundi ang lumikha, ikaw. Wala sa kamay ng dambuhalang publishers ang kapalaran ng iyong akda, dahil meron namang self-publishing.

Self-publishing ang sagot kung gusto mong maisakatuparan ang iyong pangarap na magkaroon ng sariling libro. Ibig sabihin nito, hindi ka na maghihintay ng basbas mula sa mga editor ng antolohiya o malalaking publisher dahil ikaw ang popondo sa iyong proyekto. Hindi na maliit ang industriya ng self-publishing. Marami sa magagandang panitikan ay nanggaling din sa independent publishing. Sa katunayan, kahit pa si Dr. Jose Rizal ay self-publishing ang naging sagot para maimprenta ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na inutang pa  niya ang pera para dito. Isa na lamang mito na ang magandang panitikan ay dapat galing sa kilalang publisher o dapat ay matatagpuan sa estante ng bookstores. Ang BLTX ay isang kilalang pagtitipon ng self-published authors sa Pilipinas kung saan minsan sa isang taon ay inilalatag nila ang kanilang mga gawa. Kitang-kita ang suporta ng bawat isa dito kaya naman nagpapatuloy ang ganitong klaseng kultura.

Ito ang ilang hakbang para sa paggawa ng zine:

1. Writing
        Para makapag-publish, siyempre kailangan ng mga akda.
A.   Solo
Magkaroon ng tema para sa isang antolohiya. Maaaring  higit sa sampung dagli o tula, maaaring isang buong maikling kwento o personal na sanaysay, at maaaring komiks o kahit mga illustrations.
B.    Maraming Kontribyutor
Kung nais mong magkaroon ng maraming awtor ang libro, maaaring mag-imbita ng mga kaibigan para sa bubuoing koleksyon. Maaari ding magpa-call for submission.
2. Editing

Sa pagpo-proofread ng akda, maaaring kumuha ng proofreader. Kung may mga dapat i-edit, ibalik lamang sa awtor ang akda na may komento. Bigyan siya/sila ng panahon para makapag-revise at maglagay ng deadline.

3. Formatting 
    Alamin ang magiging sukat ng libro. 
A.   Book Cover

Maghanap ng artist na puwedeng gumawa nito.  Ibatay ang sukat nito sa pinal na sukat ng libro. 


B.    Margin

Maging maingat sa paglalagay ng margin. Palaging maglaan ng espasyo sa parte ng papel na malapit sa spine. May mga pagkakataon na mali ang margin kaya nasasama sa bind ang ibang parte ng akda. 


C.    Page Number
·      kung ito ay iso-soft bind

·      kung ito ay naka-staple

4. Printing
Malaya ka sa papel na gagamitin mo. O kung gusto mong colored. Back-to-back ang pag-print sa papel. Maaaring gamitin ang sariling printer. Kung wala naman, pumunta sa pinakamalapit na shop na may murang pa-print-an. Puwede rin namang i-photocopy para mas tipid.

5. Binding
Dalawa ang puwedeng pagpilian kung paano mo iba-bind ang iyong libro.
A.   Soft bind
Puwedeng do-it-yourself o yung DIY na tinatawag. At puwede ring pumunta sa pinakamalapit na shop na nagba-bind nang mura. Madalas ginagawa ito kapag lagpas sampung papel na ang ginamit sa libro.

B.    Long-Neck Stapler
Mayroon nito sa bookstores at online shops. Ginagamit ito kapag sampung papel pababa lang ang libro, dahil manipis lang ang kaya ng stapler. Mas matipid ang prosesong ito.

6. Sales
Ang lahat ng kikitain sa mga naibentang libro ay hahatiin sa mga:

a.     Financier
b.     Author
c.     Illustrator
d.     Editor
e.     Proofreader


Ang Tagapag-ingat ng Intelektuwál na Ari-Arian

ni Rey Tamayo, Jr.


Ano ang IPOPHL?

Ang IPOPHL o mas lalong kilala sa tawag na Intellectual Property Office of the Philippines ay ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan  na nangangasiwa sa pagpapatala ng intelektuwál na ari-arian (intellectual property) ng isang indibiduwal, grupo, at kompanya. Ang ahensiya rin ang naghahanap ng solusyon hinggil sa mga usaping legal na may kinalaman sa intellectual property rights sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, matatagpuan ang punong tanggapan ng IPOPHL sa  Intellectual Property Center, 28 Upper McKinley Road, McKinley Hill Town Center, Fort Bonifacio, Taguig City.


Kasaysayan

Sa bisa ng Republic Act. No. 8293 na kilala rin bilang Intellectual Property Code of the Philippines na pinamatnugutan ng dating senador Raul S. Roco, ay naitatag ang IPOPHL na nilagdaan noong Hunyo 6, 1997 at naging ganap na batas noong Enero 1, 1998 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Matapos na maratipikahan ang IP Code of the Philippines ay agad na pinalawig nito ang naunang tungkulin ng Bureau of Patents, Trademarks and Technology Transfer (BPTTT) sa ilalim ng pamumuno ni Atty. Emma Francisco bilang Director General ng IPOPHL.

Taong 2001, sa pagnanais ng IPOPHL na mapalakas at mapalawig ang intellectual property system patungo sa internasyunal na pamantayan ay naging kasapi ang Pilipinas sa World Intellectual Property Organization at naging bahagi ng Patent Cooperation Treaty ng nasabing organisasyon.

Naging mabilis ang pag-usad ng modernisasyon ng intellectual property system sa bansa matapos ang maraming programa sa ilalim ng pamumuno ni Atty. Adrian S. Cristobal, Jr., bilang ikalawang Director General ng IPOPHL noong taong 2005. Mas pinaigting ni G. Cristobal ang mga polisiya at relasyon sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan hinggil sa mga inilulunsad na proyekto upang pangunahan ang lokal at internasyunal na mga programa.

Noong Hunyo 21, 2008 sa bisa ng Executive Order No. 736 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay inilunsad ang National Committee on Intellectual Property Rights (NCIPR), isang inter-agency body na magbabantay, magpapalakas, mangangalaga at magtataguyod ng karapatan ng intelektuwál na ari-arian sa bansa.


Mga Ahensiya ng Gobyerno na bumubuo ng NCIPR

Ang NCIPR ay binubuo ng labing dalawang kasapi. Ang Department of Trade and Industry ang tumatayong Chairman at ang IPOPHL bilang Vice Chairman batay na rin sa inilabas na Executive Order No. 736. Ang mga sumusunod na ahensiya ng gobyerno ay bahagi ng mas pinalakas at pinalawak na NCIPR na may mandato na itaguyod sa mas mataas na antas ang karapatan ng intelektuwál na ari-arian sa Pilipinas.

1.            Department of Justice

2.            Bureau of Customs

3.            Food and Drug Authority

4.            National Bureau of Investigation

5.            Philippine National Police

6.            Optical Media Board

7.            National Book Development Board

8.            Office of the Special Envoy on Transnational Crime

9.            Department of the Interior and Local Government

10.          National Telecommunications Commission


Source: https://www.officialgazette.gov.ph/2008/06/21/executive-order-no-736-s-2008/



Copyright: Isa sa Mga Pangunahing Pinangangalagaan ng IPOPHL

Ang Copyright ay isang sangay ng Intellectual Property kung saan ibinibigay ang pagmamay-ari sa manlilikha ng isang obra at sa mga awtor ng likhang pampanitikan at sa iba pang artistikong likha.

Ang Copyright ay isang legal na proteksiyon ng nagmamay-ari ng karapatan na nasa anyong orihinal. Nakapaloob sa “original work” ay ang mga produksiyong pampanitikan, siyentipiko, at artistikong gawa o likha.

Ilan sa mga pampanitikan at artistikong likha na kasama sa IP Code ay ang mga libro/aklat, musika, pelikula, litrato, pintura/kuwadro at mga programa sa kompyuter. Ginagarantiyahan ng Copyright laws ang sinomang may-akda, manlilikha ng obra, awtor na maprotektahan ang mga likhang sining at akdang pampanitikan sa panahong ito’y natapos na maisulat o nilikha.

Ang mga sumusunod ay Literary at  Artistic Works na saklaw ng Copyright laws :

A. Books, pamphlets, articles and other writings.

B. Periodicals and newspapers.

C. Lectures, sermons, addresses, dissertations prepared for oral delivery, whether  or not reduced in writing or other material form.

D. Letters.

E. Dramatic or dramatic-musical compositions; choreographic works or entertainment in dumb shows.

F.  Musical compositions, with or without word.

G. Works of drawing, painting, architecture, sculpture, engraving, lithography or other works of art; models or designs for works of art.

H. Original ornamental designs or models for articles of manufacture, whether or not registrable as an industrial design, and other works of applied art.

I.  Illustrations, maps, plans, sketches, charts and three-dimensional works relative to geography, topography, architecture or science.

J. Drawings or plastic works of a scientific or technical character.

K. Photographic works including works produced by a process analogous to photography; lantern slides.

L. Audiovisual works and cinematographic works and works produced by a process analogous to cinematography or any process for making audio-visual recordings.

M. Pictorial illustrations and advertisements.

N. Computer programs.

O. Other literary, scholarly, scientific and artistic works.


(Source: https://www.officialgazette.gov.ph/1997/06/06/republic-act-no-8293/)



Uri ng Karapatan na Saklaw ng Copyright 

1. Economic Rights –

Ang Economic rights ay ang pagpapahintulot sa may-ari ng karapatan na makakuha ng pinansiyal na gantimpala bilang kabayaran o “royalty” sa mga obrang likha na ginamit ng isang indibibuwal, grupo o kompanya. Sa ilalim ng Economic rights, ang manlilikha o awtor ng isang obra/likha ay may karapatang magpahintulot o kaya’y ipagbawal ang maramihang produksiyon o pagkopya ng isang partikular na likha o akda.

Ito ay ilang pangunahing karapatan sa ilalim ng copyright: pampublikong pagganap; komunikasyon ng kaniyang likha/akda sa publiko tulad ng (pagsasalin, dramatisasyon, adaptasyon); pagbili, pagrenta, at ang pagtatanghal sa publiko ng kaniyang likha/akda.


2. Moral Rights –

Ang Moral rights ay ang pagpapahintulot sa awtor at manlilikha na matiyak ang direktang karapatan at pagkakaroon ng personal na ugnayan sa pagitan ng kaniyang obra/akda/likha.

A. Na kilalanin ang may-akda na ang kaniyang karapatan na maangkin ang pagmamay-ari ng isang partikular na akda o likha.

B. Ang karapatang salungatin o labanan ang  anumang pagbabago sa isang akda o likha na maaaring makasira sa reputasyon ng may-akda.

Nananatili ang Moral rights sa awtor kahit na nailipat na ang kaniyang Economic Rights. Ang Moral Right kailanman ay hindi maaaring mailipat kaninuman.


Benepisyo

Ang may-akda o awtor ng isang likha ay pinoprotekhan ng Copyright na nagpapahintulot ng eksklusibong karapatan na ito’y gamitin o pagbibigay ng pahintulot sa iba na ito’y magamit na mayroong nakasulat na kasunduan o kasulatan. Ang proteksiyon ng awtor sa kaniyang karapatang-ari sa mga akdang pampanitikan at sa iba pang artistikong likha ay may bisa hangga’t ang may-akda ay nabubuhay at karagdagang 50 taon pagkamatay nito.

Ngunit may iba't ibang haba ang copyright, depende sa dami ng may akda at depende sa uri ng akda.


Works of joint authorship – ito ay protektado nang  50 years pagkatapos mamatay ng pinakabatang co-author ng isang akda.


Photographic works - ito ay protektado nang  50 years pagkatapos na lumabas o nalathala ang larawan sa publiko. 


Works of applied art – ito ay protektado nang  25 years pagkatapos na nilikha ang mga obra.

Industrial design.

Architecture.

Ceramic art.

Automotive design.

Fashion design.

Calligraphy.

Interior design.

Graphic design.


Audio-visual works – ito ay protektado nang  50 years pagkatapos ng unang araw na napanood  ito sa publiko.


(Source: http://www.federislaw.com.ph/faqs-resources/copyright/)



Derivative Works

Ayon sa Section 173.2 ng Intellectual Property Code, ang derivative works ay ipinagpapalagay na bagong likha kung hindi nito nilabag ang anumang batas na may kinalaman sa karapatang-ari ng orihinal na likhang sining. Ang mga sumusunod ay maaaring ikonsidera bilang derivative works: 

1. Dramatizations

2. Translations

3. Adaptations

4. Abridgments

5. Arrangements

6. and other alterations of literary or artistic works


Unprotected Subject Matter

Ang mga sumusunod ay ikinokonsidera namang unprotected subject. Alinman sa mga ito ay hindi kinokonsiderang karapatang-ari ng isang indibiduwal, grupo, o kompanya sapagkat hindi ito nakaabot o nakapasa sa panuntunan ng mga kahingian ng isang likha, akda at obra.

 1. Idea

2. Procedure

3. System

4. Method or operation

5. Concept

6. Principle

7. Discovery or mere data

8. News of the day

9. Any official text of a legislative, administrative or legal nature, as well as any official translation thereof


(Source: National Library of the Philippines,  http://web.nlp.gov.ph/nlp/?q=node/646)


Mga dapat malaman sa paglalagak ng rehistro sa IPOPHL

1. Sagutan ang dalawang kopya ng Copyright Deposit Form.

2. Ilakip ang dalawang kopya ng orihinal na akda.

3. Mga kahingian ng kabayaran sa paglalagak ng rehistro ng karapatang-ari:



(Source: National Library of the Philippines)

* Maaari ring magpatala ng sertipiko ng rehistrasyon ng karapatang-ari at pagdedeposito ng akda/likha   sa National Library of Philippines na matatagpuan sa Kalaw Street, Ermita, Manila.


Mga Programa at Serbisyo sa mga Manunulat, Editor, Translator at Publishing Professional

Itinataguyod ng IPOPHL ang libreng mga seminar hinggil sa Intellectual Property at bukas sa publiko lalo na sa mga manunulat, mag-aaral, guro, editor, at iba pang propesyunal na nangangailangan na matutuhan ang tungkol sa importansiya at kahalagahan ng intelektuwal na ari-arian. Bawat buwan ay nagsasagawa ang ahensiya ng libreng seminar tungkol sa Trade, Copyright, Patents, Utility Models at Industrial Designs.

Katuwang din ang Intellectual Property Office of the Philippines sa mga proyektong  inilulunsad ng ibang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at National Library of the Philippines upang mapasigla at maitaas ang antas ng sining sa Pilipinas lalo na tuwing ginugunita ang taunang National Arts Month sa bansa. Sa mga nakalipas na taon, ilan sa mga proyektong isinagawa ay ang pagkakaroon ng libreng art workshops, pagsusulat sa baybayin, egg painting, paggawa ng saranggola, baybayin henna tattoo, silk screen printing, live portrait sketching,  face painting, at mga film screenings.


Saturday, December 7, 2019

Copyright, Creative Commons, At Iba Pa


ni Andyleen C. Feje


Ayon kay Lualhati Bautista, tinitignan natin ang ating mga akda bilang mga anak. Anak na kung minsa’y nagdadalawang isip tayong iharap sa mundo, dahil masakit sa magulang na malait o basta na lamang husgahan ang kaniyang supling.

Ngunit, tulad din ng linya ni Jules (isang karakter mula sa librong Dekada ‘70 ni Lualhati Bautista) ay instrumento lamang ang mga magulang, sa huli’y hindi nila talaga dapat ariin ang kanilang mga anak—dahil ang mga ito ay anak talaga ng bayan—kabahagi at para sa bayan. Ibig sabihin, maging tayong mga manunulat, mga artist, ay instrumento lamang din—daluyan ng sining. Sapagkat ang bawat dula/pelikula ay nakalaang matunghayan. Ang bawat kanta/tula ay nakatakdang mapakinggan. Ang bawat kwento ay nakalaang mabasa. Maaabot lamang ng mga akda ang hanggahan ng kanilang pagiging sining kung naabot na nila ang target audience natin. Kaya bilang manggagawang pangkultura ay hindi natin dapat ikulong sa ating mga bisig ang ating sining, responsibilidad nating ibahagi ito. Kapag ibinahagi na natin ang ating akda sa publiko ay hindi na lamang s’ya sa atin, bahagi na s’ya ng mundo. Pero, ‘wag mag-aalala, mayroon namang tinatawag na copyright na s’yang nagsisilbing paalala na tayo pa rin ang nagluwal/magulang ng ating sining/supling.

Tuwing isisilang ang isang bagong sining, o akda para sa mga tulad natin mga manunulat, ay animo itong sanggol na agad na kunukumutan ng copyright (intellectual rights). Animong burdadong balabal ang copyright na nangangalaga at nagbibigay ng kaukulang pagkilala sa atin, bilang awtor na may karapatang ari sa iniluwal nating akda. At nananatili ang balabal na itong nakabalot sa ating akda habang tayo ay nabubuhay, hanggang 50 taon pa matapos ang ating pagkamatay.

Kung paiigtingin pa natin ang pagtatalakay sa usapin ng pagbabahagi ay marami riyang nagsulputang mga tinatawag na “movements” na may kinalaman sa karapatang ari. Isang pinakamaugong ay ang copyleft.

Ang copyleft ay baryasyon ng copyright, kung saan isinusuko ng natin bilang may akda, ang ilan sa mga reserbadong karapatan ng ating katha, sa publiko. Kung ang tagline sa copyright ay “all rights reserve,” sa copyleft nama’y “some rights reserve.”

Isa sa mga pinaka kilalang porma ng copyleft ay ang creative commons (CC). Ang CC ay isang global non-profit na organisasyon na nagsisilbing mekanismo para mas madaling maibahagi at muling magamit ang sining o kaalaman online. Ito ay itinatag nina: Lawrence Lessig, isang akademiko, abogado, at aktibista; Hal Abelson, isang propesor ng computer science and engineering; at, Eric Eldred, isang Amerikanong literary advocate, sa tulong ng Center of Public Domain, taong 2001.

Sabi ni Lessig, gusto raw nilang magsimula ng pagkilos na babasag sa palagay nila’y dominante at lumalalang restrictive permission culture. Yung tipong lahat na lang dapat ipaalam. Dahil ayon kay Lessig, maging ang cultural products daw ay minomopolya ng may mga pera at kapangyarihan.

Kaya naman ang CC ay tinutulungan tayo bilang mga artist na  ilapit ang ating sining sa publiko sa pamamagitan ng online platforms. Nag-aalok ang CC ng mga tinatawag na “public license.” Ibig sabihin may ilang mga karapatan na maaari nating ibukas sa mga gagamit o hihiram ng ating sining, samantalang ang ibang bahagi ay pwede nating panatiliing reserbado. Depende sa kagustuhan natin.

Ang public license ay may tatlong layers: una ay may tinatawag na “legal code” kung saan ang ginagagamit na wika at text ay para sa mga abogado; ikalawa ay “human readable” kung saan nakasuma na at naka-highlight ang mga importanteng puntos bilang sanggunian ng licensors at licensees; ikatlo ay “machine-readable”, na katuwang naman sa pagkatha, pagkopya, pagdiskubre, at pagpapakalat ng mga nalisensyahang akda.

Ang bawat lisensya ay may kaakibat na symbol, na shortcut na rin, para malaman ng hihiram kung ano ang restriction (kung hanggang saan at ano lang ang pwede) ang itinakda natin bilang orihinal na may-ari.


Ito ang ilang halimbawa:








Attribution

(CC BY):

Sa ilalim ng lisensyang ito, maaaring muling gamitin ng hihiram ang ating akda, sa anong paraan man n’ya naisin, basta’t titiyakin n’ya lang na sa paglalabas ng bagong n’yang katha ay mayroon pagkilala o “attributed” ito sa atin bilang orihinal na artist.









Attribution-ShareAlike

(CC BYSA):

Sa ilalim naman ng lisensya ito ay nakapaloob ang isa pang kasunduan na dapat ay lisensyahan rin ng hihiram sa parehong paraan ang naging bunga ng paggamit ating sinining na kan’yang pinaghanguhaan.









Attribution-NoDerivatives

(CC BYND):

Sa ilalim naman ng lisensyang ito ay nakikipagkasundo ang tayo sa hihiram na hindi maaaring mabago o ma-modify ang ating sining. Ibig sabihin ay maaring gamitin ngunit hindi pwedeng galawin. Halimbawa, hindi pwede gamitin sa remix ang tula; bawal palitan ng hugis/kulay; bawal palitan ang mga text.


Ilan lamang ito sa pampublikong lisensya na handog ng CC. Para makita pa ang iba, pumunta lang sa https://creativecommons.org/license


Para sa karagdagang detalye, maari n’yo ring panoorin ang video sa link na ito: https://www.youtube.com/watch?v=8YkbeycRa2A


May ilang kritiko rin ang CC, tulad ni Benjamin Mako Hill, isang software activist, na nagsasabing sa huli’y nagkukulang pa rin daw ang CC sa pagtataguyod ng “base level of freedom” at ang dapat raw na mas isinusulong ay ang kategoryang 'essential rights are unreservable’.  May ilan ding nagsasabi ang CC raw ay mekanismo lang din ng mga malaking kompanya ng  teknolohiya para sa kanilang pansariling interes, at ang  kawalan daw ng sapat na gantimpala (pinansyal/ekonomikal) ay mas lalong  itinutulak lamang tayong mga artist na ‘wag nang ilathala ating mga  gawa.

Maraming nagkakaibang paniniwala pagdating sa usapin ng copyright, copyleft, at maging sa publication. Ang mahalaga, sa huli’y mayroon tayong sariling paniniwala, na kaya nating tindigan saan man tayo iharap. Muli, tandaan natin, tayong mga artist ay instrumento lamang—instrumentong katuwang sa pagpapaunlad ng bayan!



Ang mga icon ay mula sa https://creativecommons.org



Friday, December 6, 2019

Self-publishing sa Pilipinas: The struggle is real

ni Aries N. Marmol


“Walang yumayaman sa pagsusulat sa Pilipinas.” 


Ito ang kadalasang nasasabi tungkol sa larangang ito bilang isang rason kung bakit kakaunti ang sumusubok na pasukin ang mundo nito, kung bakit kakaunting estudyante at unibersidad ang may kursong Malikhaing Pagsulat at kung bakit kahit ang mga taong may angking galing sa pagsusulat ay pinipili pa ring hindi maging full-time dito. Sabi nga ng isang matandang kasabihan sa Ingles, “Pen is mightier than the sword.” Ngunit kung kayang-kaya ng punla na magmulat ng mga isipan, isa sa mga hindi nagagawa nito, lalo na sa Pilipinas, ay ang magpasok ng malaking halaga sa bulsa.


Hindi lingid sa mga Pilipino ang hindi sapat na pagkilala sa kakayahan ng mga manunulat sa Pilipinas kung kaya’t kinakailangang dumaan sa butas ng karayom ang mga sumusubok sa larangang ito upang kahit papaano ay makapaglathala ng akda. Malaki ang posibilidad sa mga taong nakilala sa mga kompetisyon o kabilang sa grupo ng mga manunulat, ngunit papaano naman ang mga nagsisimula pa lang sa larangan? Ano pang butas ng karayom ang kailangan nilang pasukin upang kahit papaano ay mabigyang pagkilala man lamang ang produkto ng kanilang buong pagkatao? Oo, buong pagkatao, sapagkat ang pagsusulat ay ang pagpapalaya ng katauhan sa akda.


Sa mahigit dalawang buwang workshop sa PUP-Manila tungkol sa copyright at publishing, sa tulong ng batikang manunulat sa Pilipinas na si Beverly Siy o mas kilala bilang Bebang Siy ay mas nabigyan ng kahulugan kung bakit ang larangan ng pagsusulat sa Pilipinas ay hindi pa ganoon katibay. Mula sa karapatan ng mga awtor, mga issue sa intellectual property, proseso ng paglalathala hanggang sa kung paano tumatakbo ang publishing sa Pilipinas, isa lang ang naging realisasyon patungkol sa pagsusulat sa bansa--hindi nga ganoon kadali magsulat sa bansang ito. Ngunit mas mahirap kung nagtatangka ka na nga magsulat, kabilang ka pa sa mga “hindi pa na nakakaangat sa laylayan” sa lipunan.


Isa si Bb. Mina Esguerra sa mga nakaranas ng ganitong kalagayan sa larangan ng pagsulat. Isa siyang writer ng mga kilalang romance novels sa Pilipinas tulad ng My Imaginary Ex, Fairy Tale Fail, No Strings Attached, at iba pa na ang iba ay naibenta na, hindi lang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa sa pamamagitan ng number  1 online selling platform sa mundo, ang Amazon.com. Base sa naging pagbahagi niya tungkol sa kanyang karanasan sa self-publishing sa Pilipinas, hindi ito naging madali, na tulad ng ibang nagnanais makilala sa larangan, hinarap niya rin ang hirap ng pagbebenta at pagkilala ng kanyang mga libro sa bansa. Bukod sa hindi ganoon nasusuportahan ang mga manunulat sa bansa, hindi ganoon kalawak ang access ng manunulat sa mga workshop, kakulangan sa training sa pagsulat, isa sa mga rason kung bakit hindi ganoon kakilala ang mga aklat ng karamihan ng amateur writers sa bansa ay dahil sa pag-aangkop ng akda sa kasarian ng mambabasa. Nariyang pinaniniwalaan natin na ang action stories ay sa mga lalaki lang o ang pocket books naman ay sa mga babae. Naniniwala din dito ang batikang manunulat na si Jerry Gracio dahil ayon sa kanya iniisip ng mga tao na ang pocket books ay para lang sa mga katulong. Karamihan sa mga Pilipino ay ganito ang persepsiyon kaya nga siguro halos mga babae na nasa edad 14- 30 taong gulang ang mga nahihilig magbasa ng pocketbooks. Ngunit, sa pamamagitan ni Bb. Mina na isa rin sa mga nagsusulat ng romance novels, naliliwanagan ang isipan na ang pagbabasa ay hindi lamang inaangkop sa isang kasarian. Dahil dito, binuo niya ang Romance class, isang grupo ng mga manunulat ng romance novels sa Pilipinas na naglalayon na bigyan ng pag-asa ang mga nagsusulat ng nasabing genre, alinsunod na rin sa kanyang layunin bilang manunulat at publisher.


Isa pang dahilan kung bakit hindi madali ang self-publishing sa Pilipinas ay dahil marami sa mga manunulat sa bansa ang hindi alam kung ano ang gagawin upang mailathala ang mga gawa nila. Isa sa mga dahilan nito ay ang kawalan ng pangalan sa industriya kaya hindi lang pagsusulat kundi pagpapalathala din ang nagiging pokus ng organisaayon ni Bb. Mina. Sa pamamagitan nito, nagbibigay siya ng mga training sa mga gustong magsulat sa pamamagitan ng pag-ischedule ng buwan para sa pagsusulat, pagbabasa ng mga akda, at pag-i-evaluate at pag-aasikaso sa pagpa-publish ng libro na maibebenta sa loob at labas ng bansa. Sa katunayan, ilan sa mga akda ng mga taong natulungan niya ay nailathala na rin at naibebenta sa maraming bansa.


Sa kabilang banda naman, may isang publishing company sa Quezon City na tumutulong rin sa paglalathala ng mga aklat ng self-publishers. Ito ay ang Central Books publishing, isa sa mga kilalang publication house sa Pilipinas. Sa kanilang main branch sa Quezon Ave. sa Quezon City, laganap ang mga aklat na para lamang sa mga abogado o kumukuha ng kursong abogasya. Ngunit sa likod ng mga makakapal na librong ito ay ang mga tao na may layuning tumulong sa mga nangangarap makapaglimbag. Paglalathala ng mga aklat ang pokus ng publication house—mapakoleksiyon man ng maikling kuwento, tula, non-fiction at iba pa—na makikita sa kanilang mga sangay sa Pilipinas. Ayon sa isa sa mga editorial assistant sa isang panayam, nagbibigay sila ng bilang ng kopya na pwedeng ilathala ng isang writer, kilala man o hindi, nagpapadala ng sample copy na libre at kapag wala nang problema sa akda ay ilalathala na nila upang maibenta. Sa proseso ng pag-iimprenta, mabusisi nila itong ginagawa mula sa pagse-send ng copy ng akda, pag-ievaluate kung maari na bang ilathala ito, pag-iimprenta, bookbinding, at ang paglalagay ng cover.


Isa lamang ang Central Books sa mga nagbubukas ng pinto sa mga nangangarap makilala sa larangan ng pagsulat, dahil sa Pilipinas ay may mangilan-ngilang publishing house na hindi naglalathala ng akda ng isang taong hindi naman kilala dahil sa pangambang hindi ito maibenta. Hindi yata uso ang, “Let’s cross the bridge when we get there.” sa kanila. Hindi naman natin sila masisisi. Bukod sa sabi ng ilan na ang pagsusulat ay walang patutunguhan, makikita sa ating bansa na gumagapang ang mga manunulat para lang makapaglathala. Bukod sa pagsali sa workshops o kompetisyon man tulad ng sa Palanca awards kung saan nakilala sina Lualhati Bautista at Ricky Lee, kailangan ng malaking pondo dito. Nariyan ding susubok sila sa mga call for submissions upang makakuha ng kahit kaunting pagkilala na minsan ay tinatanggal din dahil sa isyu ng copyright infringement o pag-aangkin ng karapatan ng manunulat sa akda. Kaya may iilang manunulat na nag-iimprenta na lang at ibinebenta ang sariling akda bilang Zine. Ito ay nagsisilbing paraan ng mga bagitong manunulat upang kahit papaano ay makabenta sila ng kanilang mga akda sa book launchings, workshops at iba pang writing events. Dahil sa haba at gastos sa proseso ng paglalathala, nariyang baka ubos na ang pondo, hindi pa rin naiimprenta ang akda.


Sa opinyon naman ni Ronald Verzo, isa  sa mga tagapagtaguyod ng Balangay publishing na naglalayong makilala ang local literature sa Pilipinas, tungkol sa isyung ito, iminumungkahi niya sa mga manunulat na magsusumite ng akda sa kanila na subukan muna nila ang self-publishing dahil baka kaya naman. Ngunit hanggang kailan magiging ganito ang katayuan ng Pilipinas pagdating sa larangan ng pagsusulat? Isa sa may pinakamahalagang layunin sa isang bansa ay ang mga manunulat sapagkat sila ang nagsusulat ng kanilang panahon. Paano natin malalaman ang panahon kung saan laganap ang paniniwala kung wala ang Bibliya, Q’oran, Analects at iba pang aklat ng mga relihiyon at pagsamba, Elizabethan Period kung wala si Shakespeare, burukrasya kung wala ang Das Kapita ni Karl Marx, Spanish-Philippines period kung wala ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo? Ang manunulat ay nagmumulat, ngunit hindi ito maisasakatuparan kung sa mismong paglalathala ng akda ay hirap magawa.