ni Aries N. Marmol
“Walang yumayaman sa pagsusulat sa Pilipinas.”
Ito ang kadalasang nasasabi tungkol sa larangang ito bilang isang rason kung bakit kakaunti ang sumusubok na pasukin ang mundo nito, kung bakit kakaunting estudyante at unibersidad ang may kursong Malikhaing Pagsulat at kung bakit kahit ang mga taong may angking galing sa pagsusulat ay pinipili pa ring hindi maging full-time dito. Sabi nga ng isang matandang kasabihan sa Ingles, “Pen is mightier than the sword.” Ngunit kung kayang-kaya ng punla na magmulat ng mga isipan, isa sa mga hindi nagagawa nito, lalo na sa Pilipinas, ay ang magpasok ng malaking halaga sa bulsa.
Hindi lingid sa mga Pilipino ang hindi sapat na pagkilala sa kakayahan ng mga manunulat sa Pilipinas kung kaya’t kinakailangang dumaan sa butas ng karayom ang mga sumusubok sa larangang ito upang kahit papaano ay makapaglathala ng akda. Malaki ang posibilidad sa mga taong nakilala sa mga kompetisyon o kabilang sa grupo ng mga manunulat, ngunit papaano naman ang mga nagsisimula pa lang sa larangan? Ano pang butas ng karayom ang kailangan nilang pasukin upang kahit papaano ay mabigyang pagkilala man lamang ang produkto ng kanilang buong pagkatao? Oo, buong pagkatao, sapagkat ang pagsusulat ay ang pagpapalaya ng katauhan sa akda.
Sa mahigit dalawang buwang workshop sa PUP-Manila tungkol sa copyright at publishing, sa tulong ng batikang manunulat sa Pilipinas na si Beverly Siy o mas kilala bilang Bebang Siy ay mas nabigyan ng kahulugan kung bakit ang larangan ng pagsusulat sa Pilipinas ay hindi pa ganoon katibay. Mula sa karapatan ng mga awtor, mga issue sa intellectual property, proseso ng paglalathala hanggang sa kung paano tumatakbo ang publishing sa Pilipinas, isa lang ang naging realisasyon patungkol sa pagsusulat sa bansa--hindi nga ganoon kadali magsulat sa bansang ito. Ngunit mas mahirap kung nagtatangka ka na nga magsulat, kabilang ka pa sa mga “hindi pa na nakakaangat sa laylayan” sa lipunan.
Isa si Bb. Mina Esguerra sa mga nakaranas ng ganitong kalagayan sa larangan ng pagsulat. Isa siyang writer ng mga kilalang romance novels sa Pilipinas tulad ng My Imaginary Ex, Fairy Tale Fail, No Strings Attached, at iba pa na ang iba ay naibenta na, hindi lang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa sa pamamagitan ng number 1 online selling platform sa mundo, ang Amazon.com. Base sa naging pagbahagi niya tungkol sa kanyang karanasan sa self-publishing sa Pilipinas, hindi ito naging madali, na tulad ng ibang nagnanais makilala sa larangan, hinarap niya rin ang hirap ng pagbebenta at pagkilala ng kanyang mga libro sa bansa. Bukod sa hindi ganoon nasusuportahan ang mga manunulat sa bansa, hindi ganoon kalawak ang access ng manunulat sa mga workshop, kakulangan sa training sa pagsulat, isa sa mga rason kung bakit hindi ganoon kakilala ang mga aklat ng karamihan ng amateur writers sa bansa ay dahil sa pag-aangkop ng akda sa kasarian ng mambabasa. Nariyang pinaniniwalaan natin na ang action stories ay sa mga lalaki lang o ang pocket books naman ay sa mga babae. Naniniwala din dito ang batikang manunulat na si Jerry Gracio dahil ayon sa kanya iniisip ng mga tao na ang pocket books ay para lang sa mga katulong. Karamihan sa mga Pilipino ay ganito ang persepsiyon kaya nga siguro halos mga babae na nasa edad 14- 30 taong gulang ang mga nahihilig magbasa ng pocketbooks. Ngunit, sa pamamagitan ni Bb. Mina na isa rin sa mga nagsusulat ng romance novels, naliliwanagan ang isipan na ang pagbabasa ay hindi lamang inaangkop sa isang kasarian. Dahil dito, binuo niya ang Romance class, isang grupo ng mga manunulat ng romance novels sa Pilipinas na naglalayon na bigyan ng pag-asa ang mga nagsusulat ng nasabing genre, alinsunod na rin sa kanyang layunin bilang manunulat at publisher.
Isa pang dahilan kung bakit hindi madali ang self-publishing sa Pilipinas ay dahil marami sa mga manunulat sa bansa ang hindi alam kung ano ang gagawin upang mailathala ang mga gawa nila. Isa sa mga dahilan nito ay ang kawalan ng pangalan sa industriya kaya hindi lang pagsusulat kundi pagpapalathala din ang nagiging pokus ng organisaayon ni Bb. Mina. Sa pamamagitan nito, nagbibigay siya ng mga training sa mga gustong magsulat sa pamamagitan ng pag-ischedule ng buwan para sa pagsusulat, pagbabasa ng mga akda, at pag-i-evaluate at pag-aasikaso sa pagpa-publish ng libro na maibebenta sa loob at labas ng bansa. Sa katunayan, ilan sa mga akda ng mga taong natulungan niya ay nailathala na rin at naibebenta sa maraming bansa.
Sa kabilang banda naman, may isang publishing company sa Quezon City na tumutulong rin sa paglalathala ng mga aklat ng self-publishers. Ito ay ang Central Books publishing, isa sa mga kilalang publication house sa Pilipinas. Sa kanilang main branch sa Quezon Ave. sa Quezon City, laganap ang mga aklat na para lamang sa mga abogado o kumukuha ng kursong abogasya. Ngunit sa likod ng mga makakapal na librong ito ay ang mga tao na may layuning tumulong sa mga nangangarap makapaglimbag. Paglalathala ng mga aklat ang pokus ng publication house—mapakoleksiyon man ng maikling kuwento, tula, non-fiction at iba pa—na makikita sa kanilang mga sangay sa Pilipinas. Ayon sa isa sa mga editorial assistant sa isang panayam, nagbibigay sila ng bilang ng kopya na pwedeng ilathala ng isang writer, kilala man o hindi, nagpapadala ng sample copy na libre at kapag wala nang problema sa akda ay ilalathala na nila upang maibenta. Sa proseso ng pag-iimprenta, mabusisi nila itong ginagawa mula sa pagse-send ng copy ng akda, pag-ievaluate kung maari na bang ilathala ito, pag-iimprenta, bookbinding, at ang paglalagay ng cover.
Isa lamang ang Central Books sa mga nagbubukas ng pinto sa mga nangangarap makilala sa larangan ng pagsulat, dahil sa Pilipinas ay may mangilan-ngilang publishing house na hindi naglalathala ng akda ng isang taong hindi naman kilala dahil sa pangambang hindi ito maibenta. Hindi yata uso ang, “Let’s cross the bridge when we get there.” sa kanila. Hindi naman natin sila masisisi. Bukod sa sabi ng ilan na ang pagsusulat ay walang patutunguhan, makikita sa ating bansa na gumagapang ang mga manunulat para lang makapaglathala. Bukod sa pagsali sa workshops o kompetisyon man tulad ng sa Palanca awards kung saan nakilala sina Lualhati Bautista at Ricky Lee, kailangan ng malaking pondo dito. Nariyan ding susubok sila sa mga call for submissions upang makakuha ng kahit kaunting pagkilala na minsan ay tinatanggal din dahil sa isyu ng copyright infringement o pag-aangkin ng karapatan ng manunulat sa akda. Kaya may iilang manunulat na nag-iimprenta na lang at ibinebenta ang sariling akda bilang Zine. Ito ay nagsisilbing paraan ng mga bagitong manunulat upang kahit papaano ay makabenta sila ng kanilang mga akda sa book launchings, workshops at iba pang writing events. Dahil sa haba at gastos sa proseso ng paglalathala, nariyang baka ubos na ang pondo, hindi pa rin naiimprenta ang akda.
Sa opinyon naman ni Ronald Verzo, isa sa mga tagapagtaguyod ng Balangay publishing na naglalayong makilala ang local literature sa Pilipinas, tungkol sa isyung ito, iminumungkahi niya sa mga manunulat na magsusumite ng akda sa kanila na subukan muna nila ang self-publishing dahil baka kaya naman. Ngunit hanggang kailan magiging ganito ang katayuan ng Pilipinas pagdating sa larangan ng pagsusulat? Isa sa may pinakamahalagang layunin sa isang bansa ay ang mga manunulat sapagkat sila ang nagsusulat ng kanilang panahon. Paano natin malalaman ang panahon kung saan laganap ang paniniwala kung wala ang Bibliya, Q’oran, Analects at iba pang aklat ng mga relihiyon at pagsamba, Elizabethan Period kung wala si Shakespeare, burukrasya kung wala ang Das Kapita ni Karl Marx, Spanish-Philippines period kung wala ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo? Ang manunulat ay nagmumulat, ngunit hindi ito maisasakatuparan kung sa mismong paglalathala ng akda ay hirap magawa.
No comments:
Post a Comment