ni Andyleen C. Feje
Ayon kay Lualhati Bautista, tinitignan natin ang ating mga akda bilang mga anak. Anak na kung minsa’y nagdadalawang isip tayong iharap sa mundo, dahil masakit sa magulang na malait o basta na lamang husgahan ang kaniyang supling.
Ngunit, tulad din ng linya ni Jules (isang karakter mula sa librong Dekada ‘70 ni Lualhati Bautista) ay instrumento lamang ang mga magulang, sa huli’y hindi nila talaga dapat ariin ang kanilang mga anak—dahil ang mga ito ay anak talaga ng bayan—kabahagi at para sa bayan. Ibig sabihin, maging tayong mga manunulat, mga artist, ay instrumento lamang din—daluyan ng sining. Sapagkat ang bawat dula/pelikula ay nakalaang matunghayan. Ang bawat kanta/tula ay nakatakdang mapakinggan. Ang bawat kwento ay nakalaang mabasa. Maaabot lamang ng mga akda ang hanggahan ng kanilang pagiging sining kung naabot na nila ang target audience natin. Kaya bilang manggagawang pangkultura ay hindi natin dapat ikulong sa ating mga bisig ang ating sining, responsibilidad nating ibahagi ito. Kapag ibinahagi na natin ang ating akda sa publiko ay hindi na lamang s’ya sa atin, bahagi na s’ya ng mundo. Pero, ‘wag mag-aalala, mayroon namang tinatawag na copyright na s’yang nagsisilbing paalala na tayo pa rin ang nagluwal/magulang ng ating sining/supling.
Tuwing isisilang ang isang bagong sining, o akda para sa mga tulad natin mga manunulat, ay animo itong sanggol na agad na kunukumutan ng copyright (intellectual rights). Animong burdadong balabal ang copyright na nangangalaga at nagbibigay ng kaukulang pagkilala sa atin, bilang awtor na may karapatang ari sa iniluwal nating akda. At nananatili ang balabal na itong nakabalot sa ating akda habang tayo ay nabubuhay, hanggang 50 taon pa matapos ang ating pagkamatay.
Kung paiigtingin pa natin ang pagtatalakay sa usapin ng pagbabahagi ay marami riyang nagsulputang mga tinatawag na “movements” na may kinalaman sa karapatang ari. Isang pinakamaugong ay ang copyleft.
Ang copyleft ay baryasyon ng copyright, kung saan isinusuko ng natin bilang may akda, ang ilan sa mga reserbadong karapatan ng ating katha, sa publiko. Kung ang tagline sa copyright ay “all rights reserve,” sa copyleft nama’y “some rights reserve.”
Isa sa mga pinaka kilalang porma ng copyleft ay ang creative commons (CC). Ang CC ay isang global non-profit na organisasyon na nagsisilbing mekanismo para mas madaling maibahagi at muling magamit ang sining o kaalaman online. Ito ay itinatag nina: Lawrence Lessig, isang akademiko, abogado, at aktibista; Hal Abelson, isang propesor ng computer science and engineering; at, Eric Eldred, isang Amerikanong literary advocate, sa tulong ng Center of Public Domain, taong 2001.
Sabi ni Lessig, gusto raw nilang magsimula ng pagkilos na babasag sa palagay nila’y dominante at lumalalang restrictive permission culture. Yung tipong lahat na lang dapat ipaalam. Dahil ayon kay Lessig, maging ang cultural products daw ay minomopolya ng may mga pera at kapangyarihan.
Kaya naman ang CC ay tinutulungan tayo bilang mga artist na ilapit ang ating sining sa publiko sa pamamagitan ng online platforms. Nag-aalok ang CC ng mga tinatawag na “public license.” Ibig sabihin may ilang mga karapatan na maaari nating ibukas sa mga gagamit o hihiram ng ating sining, samantalang ang ibang bahagi ay pwede nating panatiliing reserbado. Depende sa kagustuhan natin.
Ang public license ay may tatlong layers: una ay may tinatawag na “legal code” kung saan ang ginagagamit na wika at text ay para sa mga abogado; ikalawa ay “human readable” kung saan nakasuma na at naka-highlight ang mga importanteng puntos bilang sanggunian ng licensors at licensees; ikatlo ay “machine-readable”, na katuwang naman sa pagkatha, pagkopya, pagdiskubre, at pagpapakalat ng mga nalisensyahang akda.
Ang bawat lisensya ay may kaakibat na symbol, na shortcut na rin, para malaman ng hihiram kung ano ang restriction (kung hanggang saan at ano lang ang pwede) ang itinakda natin bilang orihinal na may-ari.
Ito ang ilang halimbawa:
Attribution
(CC BY):
Sa ilalim ng lisensyang ito, maaaring muling gamitin ng hihiram ang ating akda, sa anong paraan man n’ya naisin, basta’t titiyakin n’ya lang na sa paglalabas ng bagong n’yang katha ay mayroon pagkilala o “attributed” ito sa atin bilang orihinal na artist.
Attribution-ShareAlike
(CC BYSA):
Sa ilalim naman ng lisensya ito ay nakapaloob ang isa pang kasunduan na dapat ay lisensyahan rin ng hihiram sa parehong paraan ang naging bunga ng paggamit ating sinining na kan’yang pinaghanguhaan.
Attribution-NoDerivatives
(CC BYND):
Sa ilalim naman ng lisensyang ito ay nakikipagkasundo ang tayo sa hihiram na hindi maaaring mabago o ma-modify ang ating sining. Ibig sabihin ay maaring gamitin ngunit hindi pwedeng galawin. Halimbawa, hindi pwede gamitin sa remix ang tula; bawal palitan ng hugis/kulay; bawal palitan ang mga text.
Ilan lamang ito sa pampublikong lisensya na handog ng CC. Para makita pa ang iba, pumunta lang sa https://creativecommons.org/license
Para sa karagdagang detalye, maari n’yo ring panoorin ang video sa link na ito: https://www.youtube.com/watch?v=8YkbeycRa2A
May ilang kritiko rin ang CC, tulad ni Benjamin Mako Hill, isang software activist, na nagsasabing sa huli’y nagkukulang pa rin daw ang CC sa pagtataguyod ng “base level of freedom” at ang dapat raw na mas isinusulong ay ang kategoryang 'essential rights are unreservable’. May ilan ding nagsasabi ang CC raw ay mekanismo lang din ng mga malaking kompanya ng teknolohiya para sa kanilang pansariling interes, at ang kawalan daw ng sapat na gantimpala (pinansyal/ekonomikal) ay mas lalong itinutulak lamang tayong mga artist na ‘wag nang ilathala ating mga gawa.
Maraming nagkakaibang paniniwala pagdating sa usapin ng copyright, copyleft, at maging sa publication. Ang mahalaga, sa huli’y mayroon tayong sariling paniniwala, na kaya nating tindigan saan man tayo iharap. Muli, tandaan natin, tayong mga artist ay instrumento lamang—instrumentong katuwang sa pagpapaunlad ng bayan!
—
Ang mga icon ay mula sa https://creativecommons.org
No comments:
Post a Comment